Ebanghelyo: Mateo 25:31-46
“Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa ma-luwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.
“Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’
At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’
“Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’”
Kaya itatanong din nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’
At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Pagninilay
Nilinaw ni Jesus na kung ano ang ginagawa o hindi natin ginagawa para sa ating kapwa ay siyang tutukoy ng ating hinaharap. Tayo ang pumipili sa kung saan tayo pupunta, kasama ba ang mga anghel at mga banal, o yaong tumalikod sa Panginoon. May kapangyarihan tayong pumili upang matulungan ang iba o huwag pansinin sila at ang kanilang mga pangangailangan. Kung pipiliin na ting tulungan ang iba, sana hindi ito basta dahil nais nating makasama si Jesus sa langit. Inaasahan na ang ating pagnanais na tulungan ang iba ay dumadaloy mula sa ating pag-mamalasakit sa kanila at marahil ang ating pasasalamat sa mga oras na may ibang tumulong sa atin. Nais nating tumulong sa iba tulad ng pagtulong nila sa atin.
Sa panahon ng Kuwaresma, nawa ay maging sensitibo tayo sa mga taong nangangailangan ng ating tulong. May mga taong nanga-ngailangan sa paligid natin! Ang tanong ay, makikita ba at maabot natin sila?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022