Ebanghelyo: Mateo 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwalingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.” Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
Pagninilay
“Patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid”. Ito marahil ang isa sa mga pinakamahirap na hamon na ibinigay sa atin ng Panginoon. Tandaan natin ang kasabihan na: “Forgive but not forget” o “Magpatawad ngunit huwag makalilimot”. Sa una, aakalain na ang ibig sabihin nito ay magpatawad ngunit huwag kalimutan na ginawan ka nang mali. Pero kung susuriing mabuti, mas malalim ang ibig sabihin nito. Sinasabi nito na kahit naalala nating nagkamali ang ating kaaway o kaibigan, kahit naalala nating nagkasala ang iba sa atin, pinili pa rin natin silang mahalin sa pamamagitan ng pagpapatawad. Hindi ba natin laging dinadasal sa “Ama Namin” ang mga salitang “At patawarin Mo kami sa aming mga sala. Para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.” Hindi ito basta pinapahayag lamang, ito ay dapat isinasapuso at isinasabuhay. Ang pagpapatawad ay mabuti para sa ating puso at tinutulungan tayong piliin ang isang mabait at mapagmahal na buhay. Ito rin ay isang paraan upang palayain ang sarili mula sa kapaitan, talikuran ang kasalanan at paghihiwalay, at bumalik sa pag-ibig. Kaya piliin nating magpatawad sapagkat kahit mahirap ito gawin, ito ang daan patungo sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





