Ebanghelyo: Juan 9:1-41*
Sa kanyang pagdaan, nakita niya ang isang taong ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad: “Rabbi, sino ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag: siya ba o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Jesus: “Hindi dahil nagkasala ni ang kanyang mga magulang kundi upang mahayag ang mga gawa ng Diyos sa kanya. Kailangan nating gawin ang mga gawa ng nagpadala sa akin samantalang araw pa. Dumarating ang gabi at wala nang makagagawa. Habang nasa mundo ako, liwanag ako ng mundo.” Pagkasabi niya ng mga ito, lumura siya sa lupa at gumawa ng putik mula sa lura at nilagyan ng putik ang mga mata ng tao. At sinabi sa kanya: “Pumunta ka’t at maghilamos sa palanguyan ng Siloam (na kung isasalin ay sinugo).” Kaya pumunta siya at naghilamos at umalis na nakakakita. Kaya sinabi ng kanyang mga kapit-bahay at ng mga dating nakakapansin sa kanyang nagpapalimos: “Di ba’t ito ang nakaupo at namamalimos?” Sinabi ng ilan: “Ito nga siya!” At sinabi naman ng iba: “Hindi! Kamukha lamang siya.” Ngunit sabi niya: “Ako siya!” Kaya sinabi nila sa kanya: “Paano napadilat ang iyong mga mata?” (…) Dinala nila siya sa mga Pariseo, siya na dating bulag. Araw ng Pahinga noon nang gumawa ng putik si Jesus at nagpadilat sa kanyang mga mata. Kaya muli siyang tinanong ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi niya sa kanila: “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata at naghilamos ako at nakakita.” Kaya sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi mula sa Diyos ang taong iyon dahil hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba: “Paanong magagawa ng taong makasalanan ang ganitong mga tanda?” At nahati sila. Kaya sinabi nilang muli sa bulag: “Ikaw, ano’ng masasabi mo tungkol sa kanya pagkat mga mata mo ang pinadilat niya?” At sinabi niya: “Siya ang Propeta!” Hindi nga naniwala ang mga Judio na dati siyang bulag at nakakakita na, hanggang ipatawag nila ang mga magulang ng taong nakakita. At tinanong nila sila: “Ito ba ang inyong anak na sinasabi n’yong ipinanganak na bulag? Paano’t nakakakita siya ngayon?” Kaya sumagot ang kanyang mga magulang: “Alam naming ito ang aming anak at ipinanganak siyang bulag. Pero hindi namin alam kung paano’t ngayo’y nakakakita siya, at wala kaming kaalam-alam kung sino ang nagpadilat sa kanyang mga mata. Siya ang tanungin n’yo. May edad na siya at makapangungusap mismo tungkol sa kanyang sarili.” (…) Kaya makalawa nilang tinawag ang taong dating bulag at sinabi sa kanya: “Umamin ka sa harap ng Diyos. Alam naming makasalanan ang taong ito.” Kaya sumagot siya: “Kung makasalanan siya, hindi ko alam. Iisa ang alam ko: bulag ako noon at ngayo’y nakakakita.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano’ng ginawa niya sa iyo? Paano niya pinadilat ang mga mata mo?”
Sinagot niya sila: “Sinabi ko na sa inyo at ayaw n’yong makinig. Ano’t gusto n’yo na namang marinig? Hindi kaya gusto n’yo ring maging mga alagad niya?” At nilait nila siya: “Alagad ka niya pero mga alagad kami ni Moises. Alam naming kay Moises nangusap ang Diyos pero hindi namin alam kung saan galing ang taong ito.” Sumagot ang tao sa kanila: “Ito nga ang katakataka: hindi n’yo alam kung saan siya galing at pinadilat niya ang aking mga mata. Alam natin na hindi dinidinig ng diyos ang mga makasalanan pero kung merong maypitagan sa Diyos at ang kalooban niya ang ginagawa, dinidinig niya ito. Kailanma’y wala pang narinig na may nakapagdilat sa mga mata ng isang ipinanganak na bulag. Kung hindi siya galing sa Diyos, wala siyang anumang magagawa.” Sumagot sila sa kanya: “Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak na tagos ng mga kasalanan?” At ipinagtabuyan nila siya palabas. Narinig ni Jesus na ipinagtabuyan nila siya palabas. At pagkatagpo niya sa kanya, sinabi niya: “Nananalig ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot siya: “Sino po siya upang manalig ako sa kanya?” Sinabi ni Jesus: “Nakikita mo siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo. (Aniya: “Nananalig ako, Panginoon.” At nagpatirapa siya sa kanyang paanan. At sinabi ni Jesus:) Sa paghatol ako dumating sa mundong ito: makakakita ang mga walang paningin, at magiging bulag ang mga nakakakita.” Narinig ito ng ilang Pariseo na nasa tabi ni Jesus at sinabi nila sa kanya: “E di bulag din kami?” Sumagot sa kanila si Jesus: “Kung sakaling bulag kayo, wala sana kayong kasalanan. Ngunit ngayong sinasabi n’yong ‘Nakakakita kami,’ namamalagi ang inyong kasalanan.”
Pagninilay
Ang Ebanghelyo ngayon ay isang mahabang kuwento tungkol sa isa sa mga tinatawag na pitong mga “tanda” o “himala” sa Ebanghelyo ayon kay San Juan. Ito ang ika-anim sa pitong tanda: ang pagpapagaling sa lalaking bulag mula pagkasilang. Ninais ng mga Hudyo na gamitin ang pagpapagaling sa bulag na lalaki upang ideklara si Jesus bilang isang kampon ng kadiliman. Ngunit kahit ang isang lalaki na bulag mula sa pagsilang ay nakauunawa na hindi masama si Jesus. Siya ay tunay na nagbibigay ng buhay. Kung titingnan natin ang paraan ng mga Hudyo, tinanong nila nang tinanong ang lalaki na pinanganak na bulag, pati na ang kanyang mga magulang, para makahanap ng butas laban kay Jesus. Ito ang nakalulungkot na katotohanan. Gumawa ka na nga ng mabuti at ng bagay na makakatulong sa kapwa, ngunit pinag-isipan ka pa ng masama. Ang sagradong araw para sa mga Hudyo ay hindi dapat ituring na araw ng walang paggawa. Sa banal na araw pa nga dapat tayo mas maging bukas ang loob na tumulong sa kapwa. Gaya ngayon, para sa ating mga Katolikong Kristiyano, ang araw ng Linggo ay hindi araw ng pamamahinga, kundi araw ng pagdiriwang ng pagmamahal ni Jesus. Kaya nga kahit pagkatapos ng mga Banal na Misa tuwing Linggo, ginagawa pa rin natin ang mga gawaing pantulong sa kapwa. Sa pagpupumilit ng mga Hudyo na maging legalistic, nakalimutan nila ang diwa ng batas – ang magmahal ng kapwa ay ang magmahal sa Diyos. Nawa’y maging katulad tayo ng lalaking bulag na mas pinili na magpatotoo na si Jesus ay mula sa Diyos at Siya ay lagi nating kasama. Ipinahayag niya na si Jesus ay isang propeta, na ginawa niya ang kalooban ng Diyos at tiyak na nagmula siya sa Diyos. Ito ay isang kahanga-hangang paraan ng pagkakita kay Jesus, na humantong upang kanyang ipahayag na “Panginoon, naniniwala ako”.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





