Ebanghelyo: Jn 7: 40-53
Kaya sa maraming taong nakarinig sa mga salitang ito: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Mesiyas.” Ngunit sinabi ng iba pa: “Sa Galilea ba manggagaling ang Mesiyas? Di ba’t sinabi ng Kasulatan, na sa binhi ni David at mula sa Betlehem na nayon ni David galing ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay. Kaya nagbalik ang mga bantay ng Templo sa mga punong-pari at mga Pariseo, at sinabi naman ng mga ito sa kanila: “Ba’t di n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap gaya ng pangungusap ng taong ito.” Kaya sinagot sila ng mga Pariseo: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong nanalig sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: mga isinumpa sila!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginagawa?” Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo’t tingnan, mula Galilea’y walang lumilitaw na Propeta.” At umuwi ang bawat isa sa kanila.
Pagninilay
May pagkakataong ginagawa ng isang tao ang isang bagay dahil sa udyok ng iba o kaya nama’y pinapangunahan siya ng maling pagtatasa o pagtingin sa mga bagay-bagay kaya humahantong sa maling desisyon. Malamang na mauwi sa pagsisisi ang anumang pagpapasyang hindi dumaan sa makatuwirang pagsusuri. Namuo sa isip ng ilang tao ang kanilang pagsalungat kay Jesus dahil sa maling paghatol ng mga boses sa lipunan. Nais nila Siyang dakpin. Subalit, nangibabaw ang tinig ni Nicodemo. Bagama’t siya’y isa sa kanila, minabuti niyang maging maingat sa pagbibigay ng hatol kay Jesus. Pinanindigan niyang kailangan munang tanungin at pakinggan si Jesus bago sila gumawa ng isang bagay laban sa Kanya. Rason ang naghari kay Nicodemo at hindi simbuyo ng damdamin. Sa maraming pagkakataon, maliwanagan nawa ang ating isip sa pamamagitan ng masinsinang pagbabalanse ng mga bagay-bagay bago tayo kumilos. Pagtiwalaan din natin ang ating tamang pagpapasya at hindi lang dahil sa mga kuru-kuro ng iba na kung minsan ay dala lamang ng emosyon. Maging katulad nin Nicodemo. Bagama’t siya’y nag-iisa, nanindigan naman siya sa tama at totoo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024