Ebanghelyo: Jn 10: 31-42
Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. Sinagot sila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang itinuro ko sa inyo. Dahil sa alin sa mga ito at binabato n’yo ako?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan, pagkat gayong tao ka, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Di ba’t nasusulat sa inyong Batas: Sinabi ko, mga diyos kayo? Kaya tinawag na mga diyos ang mga kinakausap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, bakit n’yo sinasabing lapastangan ako sinasabi kong Anak ako ng Diyos – ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo? Kung hindi ko tinatrabaho ang mga gawa ng aking Ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n’yo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” (…)
Pagninilay
Marami sa karanasan natin ay nagsisimula na hindi kaaya-aya pero natatapos na mabuti. Halimbawa ay ang pagkakasakit ng mahal natin sa buhay na kalaunan ay gumaling. Marami ang nakaranas ng matinding pagsubok noon. Pagkalipas naman ng mahabang panahon ay naging maayos din ang lahat. Mayroon ding hinusgahan ng ibang tao subalit nakilala rin ang tunay niyang pagkatao. Sa gitna ng mga pangyayaring ito, katatagan ang naging daan upang makamit ang mabuting kapalaran. Hindi nagpatinag sa gitna ng mga hamon sa buhay. Sinimulan ang Mabuting Balita ngayon sa isang nakababahalang salaysay, “Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin (si Jesus).” Natapos naman ito sa isang nakapagpapasiglang salaysay, “At doo’y marami ang nanalig (kay Jesus).” Sa gitna ng masamang pakay ng mga Judio kay Jesus, naging matatag Siya sa Kanyang mga itinuturo. Hindi Siya natakot kahit man plano nilang batuhin Siya. Katulad ni Jesus na hindi sumuko, huwag din tayong umatras sa gitna ng mga hamon. Dahil sa ating katatagan, lahat ng mga pagsubok ay mapagtatagumpayan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





