Ebanghelyo: Jn 11: 45-56*
Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa. (…) Kaya tinipon ng mga punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian (o Sanhedrin) at sinabi: “Ano’ng gagawin natin? Marami siyang ginagawang mga tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at buburahin kapwa ang ating Banal na Lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas na Punong-pari sa taong iyon, ang nagsabi: “Wala kayong kaalamalam. Ni hindi n’yo naiintindihan na mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alangalang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya ito sinabi kundi bilang Punong-pari sa taong iyon nagpropesiya siyang mamamatay nga si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin din at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na lantarang naglibot si Jesus sa mga Judio, kundi umalis siya roon patungo sa lupaing malapit sa disyerto, sa isang bayang Efraim ang tawag, at doon siya tumigil kasama ang mga alagad. Ngayon, malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem ang marami mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili. Hinahanap nila si Jesus at nang nasa templo na sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa tingin ninyo? Hindi nga siya paririto sa piyesta?”
Pagninilay
Madalas na binabalikan natin ang mga huling salaysay ng isang taong namatay at itinuturing itong pahiwatig ng kanyang kamatayan. Katulad halimbawa ng isang tao na bago sumakabilangbuhay ay nag-text ng “Bye for now.” Pahiwatig na ito, di-umano ng kanyang tuluyang paglisan. Kabaligtaran naman ito sa sinambit ni Caifas. Ang kanyang sinabi ay hindi pahiwatig sa kanyang kamatayan kundi sa nakaambang kamatayan ni Jesus. Sinabi niya, “Mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.” Bagama’t sumang-ayon siyang patayin si Jesus para hindi na dumami ang mga maniniwala sa Kanya, hindi naman nalalaman ni Caifas na ang kanyang tinuran ay ang katotohanan tungkol sa mapanligtas na kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Totoong ang kamatayan ng Panginoong Hesukristo ang siyang naging daan para sa kaligtasan ng tanan. Inako Niya ang kaparusahang sana’y ang mga taong nagkasala ang dumanas. Sa pagdanak ng Kanyang dugo, kaligtasan naman ang bumalong para sa lahat ng mga tao. Tunay ngang may mga lumalabas sa ating bibig na may ibang kahulugan. Hindi natin ito napagtatanto hangga’t hindi ito nagaganap.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





