Ebanghelyo: Juan 8:1-11
Pumunta naman si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya’y, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babaeng huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi nila kay Jesus: “Guro, huling-huli sa akto ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maiparatang sila sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala sa inyo ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig nama’y isa-isang nag-alisan mula sa matatanda, at naiwan siyang mag-isa pati ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?” At sinabi niya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo’y, huwag nang magkasala pa.”
Pagninilay
Dinala ng grupo ng mga lalaki ang babae kay Jesus upang subukin si Jesus. Ginagamit nila ang babae laban sa Kaniya. Ito ay isang patibong para kay Jesus. Kung hindi Niya siya hahatulan, ito ay magpapatunay sa kanilang pananaw kay Jesus bilang isang taong lumabag sa Kautusan ng Diyos at, samakatuwid, ay isang makasalanan. Pero alam nating si Jesus ay hindi nahulog sa kanilang bitag. Binigyan Niya ng oras ang sarili sa pamamagitan ng pagsusulat sa lupa gamit ang kanyang daliri. Nang magpumilit sila, naglabas si Jesus ng matinding hamon: “Kung mayroon man sa inyo na hindi nagkasala, siya ang unang bumato sa kanya”. Nakita natin na lumayo sila sapagkat hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Walang sinuman sa kanila ang hindi nagkasala. Tayong lahat ay makasalanan; nagkakasala tayo sa iba’t ibang paraan. Hindi natin kailanman mailalagay ang ating sarili bilang nakatataas sa moral ng iba. Kaya naman, hindi hinatulan ni Jesus ang babae. Gayunpaman, tinawag siya upang mamuhay sa isang bagong paraan. Winika ni Jesus: “Umalis ka, at huwag nang magkasala pa”. Ito rin ang paanyaya ng Panginoon sa atin. Walang bakas ng paghahatol kundi upang tawagin at bigyan tayo ng kapangyarihan na piliin at tahakin ang landas nang buhay na magdadala sa atin sa piling ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




