Ebanghelyo: Mc 14: 1 — 15: 47*
(…) Maagang-maaga pa’y naghanda ang mga punong-pari ng isang pulong kasama ang mga Matatanda at mga guro ng Batas – ang buong Sanhedrin. Iginapos nila siya at ipinadala kay Pilato. Tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw ang nagsasabi.” Pinaratangan naman siya ng mga punong-pari at Matatanda kaya muli siyang tinawag ni Pilato: “Wala kang sagot? Naririnig mo ba? Kay dami ng mga sakdal laban sa iyo!” Ngunit hindi siya umimik ni isa mang salita kaya nagtaka ang gobernador. Tuwing magpipiyesta, pinalalaya ng gobernador ang sinumang bilang-gong gustuhin ng mga tao. At may isang bilanggo roon na nagngangalang Barabbas, na nadakip kasama ng ibang rebelde na may pinatay sa paghihimagsik. Pag-ahon ng bayan, sinimulan nilang hingin kay Pilato na gawin ang dati niyang ginagawa at nagtanong si Pilato: “Gusto ba ninyong pakawalan ko ang Hari ng mga Judio?” Alam nga niya na ipinadala ng mga punong-pari si Jesus dahil sa inggit. Sinulsulan naman ng mga punong-pari ang mga tao para hingin na si Barabbas ang pakawalan. Kaya tinanong uli sila ni Pilato: “At ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” At sumagot ang lahat: “Ipako siya sa krus!” Iginiit naman ni Pilato: “Ano ang kanyang kasalanan?” Ngunit lalo nilang
nilakasan ang sigaw: “Ipako iyan sa krus!” Sa hangad ni Pilatong bigyang-kasiyahan ang bayan, pinakawalan niya si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako sa krus. (…) Matapos nila siyang libakin, inalis nila ang pulang balabal, isinuot sa kanya ang sariling damit at inilabas para ipako sa krus. Pinilit nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na pasanin ang krus ni Jesus. Galing ito sa bukid nang masalubong nila. Siya ang ama nina Alejandro at Rufo. Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na Bungo ang ibig sabihin, at pinainom nila siya ng alak na hinaluan ng mira. Tinikman ito ni Jesus ngunit hindi niya ito ininom. At ipinako nila siya sa krus at pinaghati-hatian sa sugal ang kanyang mga damit para malaman kung alin ang para kanino. Alas nuwebe ng umaga nang ipinako siya sa krus. Ipinaskel naman nila sa ulunan niya ang nakasulat na sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” Ipinako rin nilang kasama niya ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at
isa sa kanyang kaliwa. Kaya natupad ang Kasulatan na nagsasabing “Ibinilang siya sa masasama.” (…) Mula tanghaling-tapat hanggang alas tres, nagdilim ang buong lupain. Nang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas: “Eloi, Eloi, lamma sabactani?” na ang kahuluga’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nang marinig ito ng ilan sa mga naroon, sinabi nila: “Tinatawag niya si Elias.” May tumakbo at inilagay sa patpat ang isang esponghang isinawsaw sa suka para ipainom sa kanya. At sinabi nito: “Tingnan natin kung ililigtas siya ni Elias.” Muling sumigaw si Jesus nang malakas at nalagutan ng hininga. Sa sandaling iyon, napunit mula itaas hanggang baba ang kurtina ng Santuwaryo. Nang makita ng kapitang naroon sa tapat niya na ganoon siya nalagutan ng hininga, sinabi niya: “Totoo ngang Anak ng Diyos ang taong ito.”(…)
Pagninilay
Ang Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon ay pagdiriwang
pagpapasailalim ng kalooban ni Jesus sa kalooban ng Ama. Alam ni Jesus na mapapalitan ng sigaw ng pagpaparusa sa Kanya ang hiyawan ng mga tao sa pagtanggap sa Kanya sa Jerusalem. Bagama’t lingid ito sa kaalaman ng karamihan, buo na ang loob ni Jesus upang maganap ang Kanyang misyon. Sa pagpasisimula ng mga Mahal na Araw, alalahanin natin ang kababang-loob ni Jesus. Mahalagang pagnilayan sa mga araw na ito na si Jesus ay nagpakababa na parang isang alipin, nagpakasakit na walang imik, at tinanggap ang parusang kamatayan alang-alang sa ating kaligtasan. Nawa’y muling maantig ang damdamin at hamunin ang ating sarili sa mga matutunghayan nating pagdiriwang sa loob ng mga Mahal na Araw. Maging makabuluhan nawa ang pag-aalaala natin sa mga sakripisyo ng Panginoong Hesukristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





