Ebanghelyo: Jn 12: 1-11
Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Nagsilbi si Marta at kabilang naman sa mga kasalo niya ay si Lazaro. Kinuha si Maria ang isang librang mamahaling pabangong mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa niya. At napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano’t di ipinagbili nang tatlundaang denaryo ang pabangong ito para maibigay sa mga dukha.” Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; nasa kanya ang bulsa ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan mo siya’t inilaan niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit hindi n’yo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi para makita si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. Pinagusapan naman ng mga punong-pari ang pagpatay pati na kay Lazaro, pagkat Marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at nananalig kay Jesus.
Pagninilay
May isang pangyayaring pinagsabihan ng isang asawang lalaki ang kanyang may-bahay na palaging nasa simbahan para maglingkod dito. Para sa lalaki, nagaaksaya ng oras ang kanyang asawa. Dahil nakita nitong taos-puso ang kanyang ginagawang paglilingkod, kalaunan ay nahikayat din itong maglingkod sa simbahan kagaya ng kanyang may-bahay. Para kay Judas Iscariote, nag-aksaya ng mamahaling pabango si Maria na kapatid nina Marta at Lazaro. Ibinuhos niya ito sa paa ni Jesus. Pero, para kay Maria, ito’y tanda ng marubdob niyang pagpapahalaga sa presensya ni Jesus sa kanilang tahanan. Ngayong Lunes Santo, mainam na itanong natin
sa ating sarili kung ano kaya nating ibigay sa Diyos at sa Simbahan. Ito ba ay ang ating panahon, talento, o yaman? Mainam na pumasok sa ating isip na hindi nasasayang ang anumang ipinagkakaloob natin lalo’t higit kung alam nating ito’y tanda ng pasasalamat natin sa Diyos. Kung tutuusin, higit pa nga ang dapat nating ibalik sa Kanya dahil sa di-mabilang na mga pagpapalang natatanggap natin mula sa Kanyang kabutihan. Halinang maglaan ng “mamamahaling pabango” kay Kristo ngayong Lunes Santo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





