Ebanghelyo: Jn 13: 21-33, 36-38*
Pagkasabi ng mga ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus, at nagpatunay:
“Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa tabi ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa tabi ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Siya iyong ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasunod ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Magmadali ka sa gagawin mo.” (…) Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At agad naman siyang luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito. Mga munting anak, sandali na lamang n’yo akong kasama. Hahanapin ninyo ako at gaya ng sinabi ko sa mga Judio sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Kung saan ako papunta, hindi kayo makaparoroon.’ (…) Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “(…) Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindinghindi titilaok ang tandang hanggang makaitlo mo akong maitatuwa.”
Pagninilay
Madalas magbigay ng payo at babala ang mga magulang sa kanilang mga anak upang huwag silang mapahamak. Sinasabi nila ang mga bagay na hindi nila dapat gawin. Kailangang iwasan ang mga bagay na hindi mabuti. Huwag isakatuparan ang mga masasamang plano. Hindi sila nagkukulang sa mga pangaral. Sa naganap na Huling Hapunan, wari’y binibigyan ng babala ni Jesus si Judas Iscariote tungkol sa kanyang planong pagkakanulo kay Jesus. Bagama’t plantsado na ang balak ni Judas, hindi naman nagkulang ng paalala si Jesus. Bagaman din at masasabing ang pagkakanulo ni Judas ay kasama sa kabuuang plano ng Diyos, naiparinig pa rin sa kanya ni Jesus ang Kanyang pangaral at paalala. Sa maraming pagkakataon, kailangang pakinggang mabuti ang payo at paalala ng iba, lalo’t higit mula sa mga taong marami na ang naging karanasan. Ito’y sinasabi nila hindi para sa kanilang sarili kundi para sa ikabubuti ng kanilang pinapayuhan. Kailangan din ninuman na pagisipang maigi ang lahat na kanyang gagawin lalo na ang mga malalaking desisyon na babago sa takbo ng kanyang buhay. Sapagkat kapag nagpadala sa sariling pasya na hindi pinagnilayan, pagsisisi ang mararanasan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





