Ebanghelyo: Jn 13: 1-15*
(…) Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kanyang mga alagad Naghahapunan sila at naisilid na ng diyablo sa kalooban ni Judas na anak ni Simon Iskariote na ipagkanulo siya. Alam naman ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang mga kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang panlabas na damit, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. (…) Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang panlabas na damit at bumalik sa hapag, at sinabi niya sa kanila: “Nauunawaan n’yo ba ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag n’yo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ At tama ang pagsasabi ninyo: ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong mga paa, akong Panginoon at Guro, gayundin kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin din ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.
Pagninilay
Ang paghuhugas ni Jesus sa mga paa ng Kanyang mga apostol ay hindi isang drama o palabas lamang. Ito ay konkretong pagpapakita Niya ng tunay na diwa ng paglilingkod. Paglilingkod ng isang Guro. Ito ang katuparan ng nauna na Niyang sinabi na Siya’y naparito hindi para paglingkuran kundi upang maglingkod. Tuwing Huwebes Santo, isinasagawa ng mga pari ang paghuhugas sa paa ng mga tumatayong apostol o mga piniling tao sa ganitong gawain sa kanilang parokya. Hindi rin ito isang drama o palabas lamang. Ito ang pagsasakatuparan ng mga hinirang ng Diyos sa Simbahan para ipakita ang wagas na pagpapakumbaba at paglilingkod sa kanilang mga parokyano. May mga pagkakataong nais paglingkuran ng mga pari ang kanilang mga parokyano, sa maliliit man o malalaking pamamaraan. Subalit, pinagbabawalan naman sila ng mga tao dahil ayaw nilang makita ang mga pari na nagsisilbi sa kanila – halimbawa, sa kainan, sa simbahan, o kahit saanman. Hayaan natin sila sapagkat ito ang paraan nila para kongkreto nilang maisabuhay ang panawagan ni Jesus – ang maglingkod sa isa’t isa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024