Ebanghelyo: Juan 6:30-35
Kaya sinabi nila sa kanya: “At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami’t maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa langit at kumain sila. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Lagi n’yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindinghindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.
Pagninilay
“Siya ang tinapay ng buhay.” Usong uso ngayon ang “foodtrip”. Pagkatapos kumain sa restaurant, isusunod ang pagkakape. Parang walang kabusugan.
Sa aking “inner journey” nabalikan ko na ang masarap na pagkain ay konektado sa “positive memories” ko sa aking ama. Noong bata pa kami, pagmagana kaming kumain, sasabihin nya, “big eat!” At kahit susuray suray siya galing sa inuman, pasalubong niya sa amin ang tirang pulutan. Napagtanto ko na hindi naman sa pagkain ang aking pagkagutom kundi sa pagmamahal at presensya ng aking yumaong ama na masarap na pagkain ang nagpapaalala. Sa ating ebanghelyo ipinapahayag ng Panginoon na Siya ang tinapay ng buhay na bubusog at pupuno sa ating pagkagutom at pagkauhaw. Sa Banal na Misa, pinagkakalooban tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng mga pagbasa ng “positive memories” sa kanya. At pinupuno at binubusog Niya tayo ng kanyang pagmamahal sa tuwing tatanggapin natin Siya sa Banal na Komunyon. Sa ating kagutuman, nasa Panginoon ang ating kabusugan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025