Ebanghelyo: Juan 14:1-12
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo.
At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.”
Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?
Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nana nalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta.
Pagninilay
Inihanda ni Jesus ang kanyang mga alagad sa kanyang paglisan pabalik sa Diyos Ama. May dalawang dahilan ang kanyang paglisan. Una, ang pakikipagisa sa Diyos Ama na nagsugo sa kanya. Pangalawa, ang paghahanda ng silid para sa atin sa Kaharian ng Langit. Binibigyang kasiguruhan ni Jesus na maraming lugar ang nakalaan para sa atin. Kaya walang dapat na ikabahala. Ngunit di pa natin batid kung kailan ang takdang oras. Patuloy tayo sa ating paglalakbay dito sa lupa upang mapasa-atin ang kaharian at masunod ang kanyang kalooban dito sa lupa para nang sa langit. Ito ang madalas nating dinarasal sa “Ama Namin.”
Sa unang pagbasa, pinaaalalahanan tayo na magpatuloy sa buhay ng panalangin at paglilingkod sa Salita. Sa pagpili ng pitong lalaking puspos ng Espiritu Santo, inatasan tayo bilang Simbahan na tugunan ang pangangailangan ng ating mga kapatid. Sa ganitong paraan, mararanasan natin sa lupa ang paghahari ng Diyos – kung saan buhay ang pananampalataya at may pagtutulungan at pagkalinga sa kapwa.
Sa ikalawang pagbasa, paalala ni San Pedro na tayo’y mga piniling bayan ng Diyos at kabahagi ng Kanyang pagkapari. Tinanggap natin ito sa ating binyag. Hinihimok tayo na isabuhay ang biyayang ito at ang tungkuling binigay sa atin. Sa pakikibahagi natin sa pagkapari, inaatasan tayong maging banal na bayan ng Diyos. Ito’y ating makikita sa bawat pagkakataon na tayo’y natitipon sa banal na misa kung saan pinagiisa natin ang ating mga sarili sa paghahandog ni Jesus ng kanyang buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023