Ebanghelyo: Juan 6:35-40
Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: nakita n’yo, at hindi naman kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at
hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”
Pagninilay
“Tayo’y sa Kanya.” Naalala ko kung paano kong ipinagdasal sa pamamagitan ng “Our Lady, Untier of Knots” ang isang kaibigang pari na
nagdaranas ng krisis. Natuwa ako nang dumalo siya sa isang “renewal program” ng Tagbadbad Foundation para sa mga pari. At gayun na lang ang aking pagkamangha nang sinabi niya sa akin na ang “Tagbadbad” ay salitang Ilonggo na ang kahulugan ay “untier” at ang kanilang patrona ay ang “Our Lady, Untier of Knots.” Ang karanasang ito ay higit na nagpatibay sa aking pananalig na hindi pinapabayaan ng Diyos ang kanyang mga lingkod, kailangan lang manalangin at magtiwala sa Kanya ng lubos. Sa Unang Pagbasa, makikita natin na sa kabila ng pagpatay kay Esteban, hindi sya pinabayaan ng Diyos. May ilang lalaking maka Diyos na naglibing sa kanya at nagluksa. At kahit pa kinaladkad at ipinabilanggo ang mga kristiyano, hindi sila pinabayaan ng Diyos. Patuloy na lumaganap ang Mabuting Balita. Maraming gumaling at nilisan ng masamang Espiritu.
Ayon sa ebanghelyo, hindi kailanman pababayaan ng Panginoon ang sinumang ipinagkaloob sa Kanya ng Ama. Tayo’y sa kanya. Kung tayo ma’y madapa o matumba, itatayo Nya tayong muli at ililigtas sapagkat hindi Nya
kalooban na may mawala na kahit isa sa mga minamahal Nya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025