Ebanghelyo: Juan 14:21-26
Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.”
Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipamamalas ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya kami gagawa ng silid para sa aming sarili. Hindi naman isinasakatuparan ng hindi nagmamahal sa akin ang aking mga salita. At hindi sa akin ang salitang naririnig n’yo kundi sa Amang nagpadala sa akin.
Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang namamalagi pa akong kasama ninyo. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat – ang Espiritu Santong ipadadala ng ama sa ngalan ko – at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.
Pagninilay
Sa isang pamilya, ang pagiging masunurin sa mga utos ay pamantayan ng pagmamahal ng anak sa kanyang mga magulang. Ito’y kalugodlugod at nararamdaman ng isang magulang ang pagmamahal ng kanyang mga anak. Nagpapahiwatig din ito ng paggalang at pagkamatuwid. Ang isang anak na nagmamahal ay hindi gagawa ng bagay na makasasakit sa kanyang mga magulang. Ganito rin ang ipinakita ni Jesus sa kanyang ugnayan sa Ama. Parati niyang ninanais ang pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama sa kanyang mga panalangin at mga banal na gawa, na larawan ng pagibig at awa ng Diyos Ama sa sangkatauhan. Ang mga utos ng Diyos ay nagpapakita ng Kanyang katangian sapagkat ito’y tumutukoy kung papaano Niya sinusunod ang Kanyang kalooban. Hilingin natin ang grasya na mabatid ang mas malalim na kahulugan ng mga utos. Nang sa gayon, ang ating pagsunod, ay magmula sa pag-ibig nang Diyos Ama na nagmamahal sa tuwina. Tulad ng isang mabuting magulang na laging hangad ang kabutihan ng kanyang mga anak.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023