Ebanghelyo: Juan 6:44-51
Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa
Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala. Ako siyang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay. Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.
Pagninilay
“Ang Diyos ang tumatawag.” Ang bokasyon o pagtawag ng Diyos na sumunod sa kanya ay nagmumula sa Kanya o “divine initiative”. Ang Diyos ang tumatawag. Siya ang humihirang. At Siya ang nagsusugo. Sa Unang Pagbasa ipinadala ng Banal na Espiritu si Felipe sa opisyal na taga Etiopia upang kanyang maunawaan ang Banal na Kasulatan na kanyang binabasa sa daan. Dahil dito nabuksan ang kanyang pang unawa, siya’y sumampalataya at nagpabinyag. Ito ang sinasabi ni Jesus sa Ebanghelyo na walang makalalapit sa kanya kung hindi sya aakitin ng Ama. Sinabi rin Niya na ang Diyos Ama mismo ang magtuturo sa atin. Tunay nga na ang mga karanasan natin ng paglapit sa Diyos ay “initiative” ng Diyos. Gumagawa Siya ng paraan, nagpapadala ng mga tao, at naglalagay sa atin
sa mga kongkretong sitwasyon upang makilala natin Siya, mapalapit tayo sa Kanya at magkamit tayo ng kaligtasan. Magandang pagnilayan kung sino-sino ang mga tao, at ano ang mga pangyayari sa ating buhay na naglapit sa atin sa Diyos. Magandang tanungin din ang ating sarili kung sino-sino naman ang mga tao na nais ng Diyos na ilapit at dalhin natin sa Kanya. Malungkot kung nag-iisa subalit napakasaya kung marami tayong kasama sa biyaheng langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025