Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t pa punta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama.
Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat para ting na ang pinuno ng mundo. Walang anumang kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa. Tumindig kayo, tayo na mula rito!
Pagninilay
Isang nakagawiang pagbati sa Hudaismo ay ang “Shalom!” (Kapayapaan!) Ginagamit pa rin ito hanggang ngayon. Ngunit ano nga ba ang kahulugan ng kapayapaan? Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa kanyang winika, “Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo.” Sa karaniwang pag-unawa, ang kapayapaan ay ang kalagayan na walang kaguluhan. Ngunit mas higit pa dito ang kapayapaang hatid ni Jesus. Ito’y ang kapayapaang may dulot na pagiging bukas-palad, pagbabahaginan at hustisya upang ang lahat ay mamuhay sa katarungan, kapayapaan ng konsensya, pag kakaibigan at mga pusong walang takot at pangamba. Kung ating aangkinin at isasabuhay ang kapayapaang hatid ni Jesus, matatamo natin ang ating panalangin na “mapasaamin ang kaharian mo.” Ang Kaharian ng Diyos ay ang paghahari ng pagibig, kapayapaan at katarungan sa ating mga puso. Ito ang ating ibahagi sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023