Ebanghelyo: Juan 6:52-59
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong
sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.” Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Pagninilay
“Ako si Jesus na iyong inuusig.” Bilang tapat na Hudyo, kahanga-hanga ang dedikasyon at determinasyon ni Saulo na usigin ang mga Kristiyano na sa paniniwala nya ay lumalabag sa kautusan ng mga Hudyo dahil sa kanilang pagsunod kay Jesus. Hindi pa niya kilala si Jesus. Hindi pa siya inilalapit ng Ama. Hindi pa binubuksan ang kanyang mga mata. Nagbago ang lahat nang tawagin siya ng Diyos. Sa isang iglap, ang lahat ng kanyang pinaniniwalaan, ang kanyang ipinaglalaban ay nawalan ng kabuluhan. Dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang sandaling pagkabulag ng kanyang pisikal na mata ay naging daan upang makakita ang kanyang Espiritwal na mata at maunawaan na sa kanyang paguusig sa mga Kristiyano, si Jesus mismo ang kanyang inuusig. Kaya nga dating kilabot na taga-usig ng mga Kristiyano ay naging masigasig na Apostol sa mga Hentil. Katulad ni Pablo, mayroon tayong kanya-kanyang pagkabulag. Nawa ay mabuksan ang ating mga mata upang makita ang presensya ng Diyos at makatugon sa tawag na maglingkod.
© Copyright Pang Araw-araw 2025