Ebanghelyo: Juan 15:26 – 16:4a
Sinabi ni Jesus: “Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.
“Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos.
“At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito.
Pagninilay
Sa ebanghelyong ito, ipinapaunawa sa atin ni Jesuskristo na ang pagkakaisa at pagiging isa ay ang lakas ng Sangtatlo. Sa ating kasalukuyang panahon, ang ating pagkakaisa bilang mga Kristiyano ang magiging susi upang maging matatag tayo sa pagsuong natin sa mga hamon ng buhay. Ang Espiritu Santo ay patuloy na nakikipamuhay sa atin bilang pagtupad ng Diyos sa kanyang pangako na Siya’y kasa-kasama natin hanggang sa huli. Sikapin nawa nating huwag magkawatak-watak bilang mga anak ng Diyos. Ang ating mga pagkakaiba- iba ay hindi nawa maging hadlang upang tayo’y maging isa. Ika nga nila sa usapin ng teyolohiya: “unity in diversity”.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021