Ebanghelyo: Juan 6:60-69
Nang marinig ito ng kanyang mga alagad, marami sa kanila ang nagsabi: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakapakinig dito?” Alam ni Jesus sa kanyang sarili na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kayat mapansin n’yo ang Anak ng Tao umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko sa inyo’y espiritu kaya buhay. Ngunit may ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Pagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sinu-sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyong walang makalalapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sumama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto n’yo rin bang umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay magpakailanman meron ka. Naniniwala na kami at kilala naming ikaw ang Banal ng Diyos.”
Pagninilay
“Gusto n’yo rin bang umalis?” Makapangyarihan ang salita. Ang mga unang salita na narinig natin sa ating mga magulang noong bata pa tayo ay may malaking epekto sa paghuhubog ng ating pagkatao. Madalas ang ating mga “psychological issues” sa kasalukuyan ay nanggagaling pa sa mga salitang tumatak sa ating “unconscious” noon at may kapangyarihan pa hanggang ngayon. Kung ganyan ang kapangyarihan ng salita ng tao, lalo’t higit ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Sa kapangyarihan ng Kanyang Salita, nilikha ng Diyos ang mundo. Nilikha rin niya ang tao. At nang dumating ang takdang panahon, ang makapangyarihang Salita ay nagkatawang tao sa katauhan ng Panginoong Jesus. Sa Unang Pagbasa, puspos ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng salita ng pagpapagaling sa ngalan ng Panginoong Jesus, napagaling ni Pedro si Eneas, isang paralitiko. Sa kapangyarihan din ng salita ng pagbuhay sa patay, sa ngalan ng Panginoong Jesu-Kristo, binuhay niya ang babaeng alagad na si Tabita. Sa ating Mabuting Balita, sinasabi ni Jesus na “Ang mga salitang binigkas ko sa inyo’y Espiritu kaya buhay.” Kaya nga sa banal na Misa, sa kapangyarihan ng kanyang salita, ang kanyang katawan ay nagiging tinapay ng buhay. Makapangyarihan ang bawat salita kaya maging magpamalay tayo at maingat sa ating pagbibitaw ng salita sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025