Ebanghelyo: Jn 16: 23b-28
At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan. Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.
Pagninilay
“Talagang-talaga!” Ito ang salita na binitawan ni Jesus upang bigyang diin ang katotohanan ng Kanyang mga tinuturo at pangako sa Kanyang mga alagad at kung ano ang magiging “status” ng kanilang ugnayan sa Diyos Ama at sa pamamagitan Niya sa Kanyang pagbabalik sa Kaharian Niya. Iisa ang Pangako ni Jesus sa Kanyang mga alagad at sa atin! Pinapangako Niya, na kung Siya’y nakabalik na sa Ama, mayroon na tayong mas madaling ‘access’ sa minimithi nating walang hanggang buhay. Siya ang ating pinakamataas na tagapamagitan sa Ama! At kung tayo’y lalapit o tatawag sa Kanya mas marami Siyang magagawa para sa atin. Ito ang nais ng Diyos, na maging lubos at wagas ang ating kagalakan at magsilbi sa Kanya. Mararanasan natin na magiging maayos ang lahat kapag sinunod natin ang kalooban ng Diyos. Ang pag-ibig lamang natin kay Jesus ang siyang magiging tulay natin para makamtan ang lahat na nais ni Jesus na ipaabot sa atin. Ang walang hanggan buhay at kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024