Ebanghelyo: Mc 16: 15-20
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
Pagninilay
Ngayon ipinagdiriwang natin ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit, ang tuluyan na paglisan ng Kanyang pisikal na buhay dito sa lupa at mananatiling kasama ang Kanyang katawan at kaluluwa. Sa Pag-akyat ni Jesus sa langit sa harap ng mga disipulo, pinapakita Niya na ito rin ang mangyayari sa atin kapag natapos na nating tuparin ang Kanyang mga utos. Dito nag-umpisang tuparin ng Kanyang mga alagad ang mga inuutos at tinuturo Niya sa kanila na ipahayag ang magandang Balita ng ating Kaligtasan sa pamamagitan ng pagbabagong-buhay at pagtalikod sa mga kasalanan. Ang Banal na Espiritu na dumapo kay Jesus sa kanyang binyag ay Siyang nagbibigay ng kapangyarihan sa Simbahan upang maipagpatuloy nito ang gawain ni Jesus sa lupa na inihabilin Niya sa kanyang mga Apostoles. Sinabi ni Pope Francis; “sa Binyag tayo ay inilaan ng Banal na Espiritu. Ito ang ibig sabihin ng salitang “Kristiyano”. Tayong mga Kristiyano ay binyagan upang tayo ay maging katulad ni Kristo!
© Copyright Pang Araw-Araw 2024