Ebanghelyo: Juan 15:9-17
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan. Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
“Magmahalan kayo.” Sa tuwing aalis tayo ng bahay, kahit sandali lang, kapag may naiwan tayong mahalagang gawain na dapat ituloy o tapusin, inihahabilin natin ito sa taong maiiwan na ating pinagkakatiwalaan. Sandaling paglisan pa lang ang ating pinag-uusapan, paano na kaya kung ang ating paglisan ay wala ng balikan sapagkat ang paglisan ay ating kamatayan. Sa Huling Hapunan, alam ng Panginoon na malapit na Siyang
lumisan sapagkat dumating na ang oras upang matupad ang kalooban ng Ama na ialay niya ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng lahat. Bago naghabilin ang Panginoon sa kanyang mga alagad, ipinadama niya muna sa kanila kung gaano niya sila kamahal nang mula sa pagiging lingkod, tinawag niya silang kaibigan. At dahil sa sila’y kaibigan, sa kanila niya inihabilin ang pinakamahalagang utos na dapat nilang tandaan at tupdin sa kanyang paglisan: ang manatili sa kanyang pagmamahal at magmahal sa isa’t isa. Sa araw na ito ginugunita natin si San Matias. Siya ang hinirang ng
Panginoon na pumalit kay Judas Escariote upang maging kanyang tapat na kaibigan. Tulad ni San Matias, tayo rin ay hinirang ng Diyos mula sa pagiging lingkod tungo sa pagiging tapat na kaibigan na hindi mang-iiwan subalit mananatili sa kanyang pag-ibig kailanman.
© Copyright Pang Araw-araw 2025