Ebanghelyo: Jn 17: 11b-19
Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin. Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang kasulatan. At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan. Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama. Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang salita mo. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. At alangalang sa kanila’y pinababanal ko ang aking salita upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.
Pagninilay
Sa talatang ito, si Jesus ay kinilala bilang mataas na Pari. Siya ay nakiusap sa Diyos: Una, humihiling Siya sa Diyos Ama na luwalhatiin Siya upang luwalhatiin Niya ang Ama; at Pangalawa, nananalangin Siya para sa pananampalataya at lakas ng loob ng Kanyang pinakamalapit na mga disipulo. Bilang mga anak ng Diyos, kailangan din nating pasanin ang ating krus at ipahayag si Jesus na buhay. Sumunod tayo sa Kanya upang bibigyan niya tayo ng lakas at gabay habang tinutupad natin ang ating tungkulin. Hindi ba’t madalas nating hinihiling sa iba na ipagdasal tayo. Naniniwala tayo na ang kanilang panalangin ay makakatulong sa atin. Nagtitiwala tayo sa panalangin ng mga taong pinaniniwalaan nating mas malapit sa Diyos. Ngayon alam na natin na si Jesus mismo ang nagdarasal para sa atin, makakaasa tayo sa panalangin Niya para sa atin. Batid natin na hindi Siya kayang pagkaitan ng Ama sa lahat ng Kanyang kahilingan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024