Ebanghelyo: Juan 13:16-20
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung alam ninyo ito, mapalad kayo kung isinasagawa n’yo ang mga ito. Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan: Ang nakikisalo sa aking pagkai’y tumalapid sa akin.” Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang maniwala kayong Ako Nga kapag nangyari ito. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko, at ang nagpadala sa akin ang tinatanggap ng tumatanggap sa akin.”
Pagninilay
“Ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko.” Si Fr. Francis Lucas ay isang pari na tanyag sa radyo at telebisyon dahil sa kanyang husay sa pagsasalita. Iginagalang, minamahal, at kinagigiliwan siya ng mga kabataan at ng mga matatanda hindi lang dahil sa husay siyang magsalita kundi dahil ginagamit niya ito sa pagpapalakas ng loob ng kapwa. “Magsalita kayo kung may sasabihin kayong pampalakas ng loob.” Ito ang kahilingan kay Pablo ng pinuno ng sinagoga. Hindi madali ang buhay ng mga unang Kristiyano. Sa harap ng paguusig, madalas silang panghinaan ng loob kaya kailangan nila ng magpapalakas ng kanilang loob. Kaya nga pinalakas ni Pablo ang kanilang loob sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa kanila. Sa ating Ebanghelyo, pinalakas din ng Panginoon ang loob ng mga alagad. Pinaalala Niya sa kanila na anumang hirap na daranasin nila, ito’y naranasan na niya, kaya nga anumang karanasan ng pagtanggap o di pagtanggap, siya ay kanilang kaisa. Madaling panghinaan ng loob ang tao. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging mapagmalay at magbantay sa ating mga salita upang ang bawat nating wikain ay tunay na makapagpalakas ng loob at hindi makapagpapahina ng loob ng ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025