Ebanghelyo: Juan 13:31-33a, 34-35
Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At agad naman siyang luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito. Mga munting anak, sandali na lamang n’yo akong kasama. Hahanapin ninyo ako at gaya ng sinabi ko sa mga Judio sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Kung saan ako papunta, hindi kayo makaparoroon.’ Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minamahal, gayon kayo magmahalan. Sa ganito makikilala ng lahat na mga alagad ko kayo kung may pagmamahal kayo sa isa’t isa.”
Pagninilay
“Tanggapin ang kanyang pagmamahal.” Gawain ng Espiritu Santo ang pagbabago “change” at ang pagpapanibago “renewal.” Kapag kumilos sa buhay natin ang Espiritu Santo, hindi pwedeng hindi tayo magbago. Mula sa lumang pagkatao, babaguhin nya tayo patungo sa bagong pagkatao ayon sa pagkatao ng ating Panginoong Jesus taglay ang kanyang isip, diwa at kalooban. Sa Unang Pagbasa, kitang-kita at damang dama ang pagkilos ng Espiritu Santo sa mga alagad. Masigasig silang nangaral. Pinasigla nila at pinalakas ang kapwa alagad. Sila’y naging daan ng pagbabagong buhay ng mga hentil sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Ang karanasan ng mga alagad ay patikim ng Bagong Langit at Bagong Lupa na nasasaad sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa muling pagkabuhay ng Panginoon, napawi ang luha sa kanilang mga mata, nagkaroon sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan kung saan walang sakit, paghihirap, kalungkutan at kamatayan. Kaya nga ang unang sambayanang Kristiyano ay parang dalagang ikakasal, puno ng inspirasyon, sigla, galak at pagmamahal. Naranasan nila sa pamamagitan ng mga alagad ang pananahan at pakikipiling ng Diyos na nagmamahal sa kanila. Inaanyayahan tayo ng Panginoon sa ebanghelyo na tanggapin ang kanyang pagmamahal at taglay ang pag-ibig na ito, mahalin ang bawat isa. Sa tuwing tayo’y nagmamahal sa isa’t isa, nabibigyang luwalhati natin ang Panginoon. Gawain ng Espiritu Santo ang pagbabago. Manalangin tayo at anyayahan Sya. “Veni Creator Espiritus” “Halina, Manlilikhang Espiritu.” Ibuhos mo ang iyong pag-ibig sa aking puso. Baguhin mo ako at gawing katuwang sa pagpapanibago ng mundo at sa paglikha ng bagong langit at bagong lupa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025