Ebanghelyo: Juan 16:20-23
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Naninimdim ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang tao ang isinilang sa mundo.
Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa inyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.
Pagninilay
May mga pagkakataon sa buhay na nadarama natin ang kahungkagan. Ito ang mga oras na parang walang makapagbigay sa atin ng kasiyahan, lakas at tibay ng loob. Maging sa ating ugnayan sa Diyos, minsa’y maramdaman natin na mukhang malayo ang Diyos at tayo’y nagiisa. Ngunit ito rin ang mga panahon na inaanyayahan ta yong mas mapalalim ang ugna yan natin sa Kanya. Ang mga panahon na mukhang malayo ang Diyos ay ang mga panahon na mas mapalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga panalangin at pagninilay. Sa pagsisikap na mas mapalalim ang ating ugnayan, matatagpuan natin ang tunay na kaligayahan. Ito ang kaligayahang walang hanggan na di maipagpapalit sa anumang bagay sa mundo. Ito ang kaligayahang di maipagkakait ng kahit sino sapagkat ito’y biyaya ng Diyos na kanyang ibinahagi mula sa kanyang puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023