Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan. Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay
Pinadala ng Ama ang kanyang Anak na si Jesus para sa isang mahalagang misyon. Ito ay upang ibahagi at ituro sa atin ang Magandang Balita. Si Jesus ay ipinadala ng Ama bilang tanda ng kanyang pagmamahal sa mga nilikha, lalo na sa mga tao. Nais ng ating Ama na Tagapaglikha na sa kabila ng ating pagkakasala at pagkukulang, patuloy pa rin Siyang gumagabay at nagmamahal sa atin. Siya ang Diyos na butihin, maawain at mapagmahal. Ang pagtupad ni Jesus sa kagustuhan ng Ama ay siyang naging daan
para sa ating kaligtasan. Ipinadala rin ang Banal na Espiritu upang ipagpatuloy ang nasimulang misyon ni Jesus. Nang sa ganun, patuloy nating maisakatuparan ang kalooban ng Diyos para sa lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020