Ebanghelyo: Juan 14:23-29
Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin,
isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya kami gagawa ng silid para sa aming sarili. Hindi naman isinasakatuparan ng hindi nagmamahal sa akin ang aking mga salita. At hindi sa akin ang salitang naririnig n’yo kundi sa Amang nagpadala sa akin. Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang namamalagi pa akong kasama ninyo. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat – ang Espiritu Santong ipadadala ng ama sa ngalan ko – at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo. Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito.
Pagninilay
“Pakikipag-isa sa Panginoon sa pag-ibig.” Simula pa sa panahon ng mga apostol pinagtatalunan na kung alin sa mga tradisyon ng mga unang Kristiyano ang “essential” o lubhang mahalaga at kailangang kailangan na hindi pwedeng mawala at alin naman ang mga “accidental” o kinagawian at kinagisnan na madalas ay panlabas. Sa Unang Pagbasa naging dahilan ng pagtatalo ng mga unang kristiyano kung “essential” ba o “accidental” ang tradisyon ng pagtutuli ng mga di-hudyong gustong maging kristiyano. May mga naniniwala na “essential” o kinakailangan ito para maligtas. Para kay Pablo at Bernabe, “accidental” lang ito at hindi dahilan upang pagkaitan sila ng kaligtasan. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinakita sa Aklat ng Pagbubunyag ang naghihintay na kaluwalhatian sa atin kasama ng mga apostol na unang nagsabuhay ng pinakamahalaga kaya’t ang kaningningan ng kordero ay napasakanila. Ipinapahayag ng Panginoon sa Mabuting Balita na kung meron mang “essentials” o pinakamahalaga sa ating buhay, ito ay ang pag-ibig at pakikipag-isa sa Kanyang kalooban. Sapagkat kung tinutupad natin ang kanyang kalooban, mananahan Siya sa atin at tayo sa Kanya. Ayon kay Sta. Teresa ng Avila, ang ating kalooban ay tulad ng isang kastilyo na may pitong silid at sa sentro ng kastilyo nananahan ang Panginoon na pinagmumulan ng liwanag. Kung gaano tayo kalapit sa Panginoon ay ganoon din magliliwanag sa ating katauhan ang kanyang kaningningan. Hilingin natin ang biyaya na maisabuhay ang pinakamahalaga, ang pakikipag-isa sa Panginoon sa pag-ibig. Kung tayo at ang Panginoon ay isa, magliliwanag ang ating katauhan, magiging tagapaghatid tayo ng pag-ibig, kapayapaan at kagalakan sa lahat.
© Copyright Pang Araw-araw 2025