Ebanghelyo: Juan 15:26—16:4a
Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang lahat ng ito mula sa simula sapagkat kasama ninyo ako.
Pagninilay
“Ipapadala sa atin ang Espiritu ng Katotohanan.” May isang awit na pinasikat ni Anthony Castelo: “Balat kayo pala ang pag-ibig mo na natubog lang sa ginto. O, kaysakit naman nasayang lang ang pag-ibig ko. Kaya ang buhay ko ngayo’y balat kayo.” Habang lumalaki tayo at nakakaranas na masaktan at masugatan, bilang depensa at pagprotekta sa sarili, natuto tayong magbalat-kayo. Natuto tayong magpanggap at magsuot ng maskara. Natatandaan ko ang isang “activity” tungkol sa pagkilala sa sarili bilang bahagi ng aming paghuhubog. Pinagawa kami ng maskara. Nadiskubre ko
na suot ko pala ang maskara ng payaso. Nagpapatawa sa labas pero umiiyak sa loob. Salamat sa biyaya ng pagkilala sa sarili! Sa tulong ng panalangin at pagmalay sa aking kalooban, unti-unting kong natutuhang aminin at tanggapin ang aking tunay na damdamin at hubarin ang pagbabalat-kayo. Sa ating Mabuting Balita sinasabi ng Panginoon na ipapadala nya sa atin ang Espiritu ng Katotohanan. Tinawag din Nya syang Tagapagtanggol sapagkat kung nabubuhay tayo sa Espiritu, ipagtatanggol at dedepensahan Nya tayo sa pananakit ng mundo. Hindi na natin kailangang magbalat- kayo. Inaanyayahan tayo ng mga pagbasa na tulad ni Lydia sa Unang Pagbasa, buksan natin ang ating puso upang tanggapin ang Espiritu ng katotohanan. Tutuloy Siya at titigil sa tahanan ng ating kalooban.
© Copyright Pang Araw-araw 2025