Ebanghelyo: Mc 10: 17-27
At nang palakad na siya, isang tao ang patakbong sumalubong sa kanya at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos: (in italics) Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri sa kapwa, huwag mandaya, igalang ang iyong ama at ina.” Sinabi sa kanya ng tao: “Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?” Kaya tinitigan siya ni Jesus at minahal siya, at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya. Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang makapasok ang mga may kayamanan sa kaharian ng Diyos.” Takang-taka nga ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos.” Lalo pang namangha ang mga alagad at nagusap- usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo ni San Marcos, makikita ang isang mayamang binata na hindi lubusang nakamit ang biyaya ng langit sa kabila ng kanyang pagtupad sa Sampung Utos; na buong pagmamalaki niyang pinagtapat kay Jesus. Ang naging hadlang para makamit ang totoong kaligayahan at kapayapaan ay ang kanyang lubos na pagpapahalaga sa kanyang materyal na kayamanan. Ang pagsunod kay Jesus ay ang pagsuko nang buong puso at isip. Batid Niya kung ano ang kanyang kahinaan kayat sinamantala Niya ang pagkakataong sabihin at ipamulat kung ano ang kulang sa kanyang pagsunod sa Diyos: “Humayo ka, ibenta mo kung ano mayroon ka at sumunod sa akin.” Nang makita ni Jesus na hindi niya kayang bitawan ang mga ito, nanghihinayang siya kayat lalo pa Niyang pinaalalahanan ang lahat na nasa paligid Niya. Si Jesus ay nag-aalok sa atin ng walang katulad na kayamanan na hindi mabibili ng pera at walang makananakaw. Ngunit ang hinihiling Niya ay ang ating buong pusong pagtitiwala sa Kanya. Hilingin natin sa Diyos na bigyan tayo ng mas malalim na tiwala at lakas na iwanan ang lahat na nagpapabigat sa ating pagsunod sa Kanyang mga Utos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024