Ebanghelyo: Juan 16:5-11
Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta, kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis. Hinding hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
Pagninilay
“Makabubuti sa inyong ako’y umalis.” Isang masakit na katotohanan sa buhay na minsan kailangang umalis ang isang miyembro ng pamilya para sa ikabubuti ng lahat. Naalala ko ng umalis ako sa aming tahanan upang magmongha. Ang kwento ng aking Ina, pagkahatid nila sa akin sa Karmelo ng Infanta, dahil sa sobrang sama ng loob at kalungkutan, pinagtataga niya ang puno ng “yellow bell” sa aming tarangkahan. Kawawang puno! Fast forward. Noong 2022 ay ipinagdiwang ko ang aking ika-25 taong anibersaryo ng aking pagtatalaga ng sarili bilang monghang Karmelita. At kasama ko sa pagdiriwang ang aking kapatid na babae na naging “Carmelite Missionary” at ang aking ina na naging “Carmelite Tertiary.”
Ang matinding kalungkutan noon ay napalitan ng di mapapantayang kagalakan. Ang aking pag-alis ay naging daan upang tanggapin ng aking ina at kapatid ang biyaya ng bokasyon bilang Karmelita. Ito ang karanasan ng mga apostol sa Unang Pagbasa. Ang kanilang pagkabilanggo ay naging daan ng paglaya ng bantay ng piitan at tanggapin ang biyaya ng pananampalataya. Ito ang mensahe ng Mabuting Balita. May mga taong kailangang lumisan. May mga ugnayan na kailangang pakawalan para sa
ating kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025