Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan. Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay
“Dadalisayin Niya tayo.” Naranasan mo na bang magbasa ng isang aklat na sa unang pagbuklat at pagbabasa hindi maunawaan ang nasusulat? Pagkatapos, ilalapag mo ang aklat. Malilimutan mo ito. Magpapatuloy ka sa buhay. Lilipas ang mga buwan o mga taon. Hanggang sa isang araw makikita mo uli ang aklat, kukunin mo at muling babasahin. At sa’yong muling pagbabasa, mararanasan mo na buhay ang bawat salita, nangungusap sa’yo na parang isinulat para lang sa’yo. Anong nangyari? May nabago ba sa aklat o sa iyo? Ganito kumilos ang Espiritu ng Katotohanan na sinasabi ng Panginoon sa Ebanghelyo. May mga bagay na hindi natin lubos na maunawaan. Hindi pa natin masakyan. Hindi pa kayang arukin ng ating isip. Hindi Niya ito ipipilit. Dadalisayin Niya tayo. Tuturuan Nya sa pamamagitan ng ating mga karanasan hanggang sa handa na nating tanggapin ang Kanyang karunungan na nagmumula sa Panginoon. Ito ang karanasan sa Unang Pagbasa nina Dionisio, Damaris at ilang kabilang sa Areopago sa Atenas. Dahil sa limitado ang kanilang kaalaman, kung ano lang ang kanilang kinagisnan ang kanilang pinaniniwalaan. Nang dumating si Pablo at ipinangaral ang Mabuting Balita, naliwanagan sila. Nabuksan ang kanilang puso at diwa. Tinanggap nila ang Espiritu ng Katotohanan at sila’y sumampalataya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025