Ebanghelyo: Juan 16:16-20
Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin at sandali pa at makikita ninyo ako.’ At ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya. Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Pagninilay
“Patalasin ang mata ng ating puso.” Marami ka bang panghihinayang
sa buhay? Mga pagkakataon na pinalampas, pinalipas o ipinagpabukas? At pagkabukas, pagkalipas, pagkalampas, doon mo matatanto kung gaano ito kahalaga, kaya mapapabuntunghininga ka na lang at sasabihin mo “Sayang.” Sa Unang Pagbasa, makikita natin kung paanong pinalampas ng mga taga-Macedonia ang pagkakataon na tanggapin ang Mabuting Balita nang salungatin at insultuhin nila si Pablo sa kaniyang pangangaral sa kanila. Dahil dito, nilisan sila ni Pablo. Sayang! Sa kabilang dako, makikita rin natin ang mga taong bukas at mapagmalay sa biyaya ng ngayon kaya hindi nila pinalampas ang biyaya na tanggapin ang Mabuting Balita at sumampalataya. Nariyan ang mag-asawang Akila at Priscila, gayun din sina Tito Justo, Crispo at ang kanyang sambahayan at mga taga-Corinto. Sa ating Mabuting Balita, ipinapahayag ng Panginoon na hindi sa lahat ng pagkakataon litaw, malinaw at dama natin ang kanyang presensya. May mga panahon din na parang nagtatago siya, wala, at di natin madama. Hilingin natin ang biyaya na patalasin ang mata ng ating puso upang makita natin kahit ang nakakubli Niyang presensya, nang sa gayon, hindi natin palampasin ang mga biyaya na nasa ating harapan bagama’t di natin na maunawaan. Mabubuhay tayong walang panghihinayang.
© Copyright Pang Araw-araw 2025