Ebanghelyo: Juan 14:6-14
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin
ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.
Pagninilay
“Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” May dalawang tampok na katangian sina Apostol Santiago at Felipe. Ito ay ang kanilang karunungan at kababaang-loob. Ang taong may karunungan ay mababa ang kalooban. Sapagkat ayon kay Sta. Teresa ng Avila ang kababaang-loob ay paglakad sa katotohanan. Sa Unang Pagbasa, ang Santiago na binabanggit ni San Pablo ay ang anak ni Alfeo. Kilala sya bilang “James the less” dahil sa maliit sya o mas bata sa mga apostol. Hindi sya gaanong kilala. OK lang. Hindi naman sya pa bida. Sa Mabuting Balita naman ay matutunghayan natin ang kababaang-loob ni Felipe. Hindi sya nagmamarunong, kaya hindi sya takot magtanong. Salamat sa kanyang kababaang-loob na magtanong, naging daan ito upang mas lumago sa karunungan. Sa ating buhay, malakas ang tukso ng pagmamarunong at pagiging bida-bida. Hilingin natin ang biyaya ng karunungan at kababaang-loob, kinikilala na tanging si Jesus, ang daan, katotohanan at buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025