Ebanghelyo: Juan 16:20-23
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim. Naninimdim ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang tao ang isinilang sa mundo. Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa inyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.
Pagninilay
“Kalungkutan at Kagalakan.” Walang kapantay na ligaya ang dulot sa isang ina sa pagsilang ng kanyang sanggol pagkatapos ng siyam na buwan. Hindi rin mapapantayan ang kagalakanng isang mag-aaral sa araw ng kanyang “graduation” pagkatapos ng ilang taon ng pagsasakripisyo sa pag-aaral. Kung ano ang tindi ng hirap ganoon din ang katumbas na Ligaya. Ito ang sinasabi ng Panginoon sa Mabuting Balita. Magdaranas tayo ng panimdim at kalungkutan sa ating buhay, subalit kung tayo’y nananatili sa Kanya, mauunawaan natin na sa likod ng bawat panimdim at kalungkutan ay may naghihintay na kagalakan. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin ang matinding paguusig na naranasan ni Pablo sa kanyang pangangaral sa Acaya subalit batid din natin na lubos ang kagalakan nya sa pagpapahayag
ng Mabuting Balita at paglaganap ng pananampalataya. Ito rin ang karanasan ng mga apostol. Tunay silang nanaghoy, nagdalamhati
dahil sa kanilang nasaksihang pagpapakasakit at pagkamatay ng ating Panginoon sa krus. Subalit dagling napawi ang lahat ng kalungkutan at napalitan ng di mapapantayang kagalakan sa kanyang muling pagkabuhay sa ikatlong araw. Anumang pagsubok at paghihirap ang hinaharap natin kung tayo ay nananatili sa Panginoon, lahat ay lilipas. Ang ating kalungkutan ay mapapalitan ng saya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025