ANG MISA ANG siyang pinakamakapangyarihan sa lahat ng panalangin. Ito ang panalangin ni Jesus bilang pag-aalay ng Kanyang Katawan, Dugo, Kaluluwa at Kabanalan sa Ama para sa makasalanang mundo. May isang matagal nang tradisyon sa Simbahan kung saan ang bawat araw sa linggo ay pinag-uukulan ng tema sa Misa.
LINGGO – Muling Pagkabuhay ni Jesus
LUNES – Mga Kaluluwa sa Purgatoryo
MARTES – Mga Anghel
MIYERKOLES – San Jose
HUWEBES – Eukaristiya
BIYERNES. – Pasyon ni Jesus
SABADO – Mahal na Birhen
Inilaan ang Miyerkoles para kay San Jose dahil ito ang gitna mula Linggo hanggang Sabado. Isang maringal na araw ang Miyerkoles upang bigyan ng espesyal na karangalan si San Jose. Noong araw, nagdaraos ang lahat ng pari ng isang Misa ng Pangako (Votive Mass) sa ngalan ni San Jose (kung hindi ito kasabay ng isang kapistahan). Hindi na ito ginagawa ngayon dahil marahil hindi alam ng ibang pari ang tungkol sa tradisyon.
Kung walang ganitong Misa sa iyong parokya para kay San Jose, maaari mong gawin ang intensyon sa araw ng Miyerkoles bilang pagpupuri kay San Jose. Bagamat napapabayaan siya sa buhay-ispirituwal ng tao, hangad niyang kalingain yaong mga dudulog sa kanya at hihingi ng tulong. (Mula nang mapasakamay ko ang nobena ni San Jose (na handog sa akin ni Kuya Boni, kasama ang mga kopyang ipinamahagi ko sa mga kaibigan sa SJTP), hindi ko na siya tinigilan. Napakabisa ng nobena at hindi ko ito maihinto dahil sa marami nang kagalingang naibigay nito (umpisa sa paggaling ng aking maybahay sa Covid19). Hihinto lamang ako kapag wala na akong hininga.
Meron ding buwan para sa kanya. Marso ang buwan ng kapistahan ni San Jose; Marso 19 ang eksaktong kapistahan ng Solemnity of St. Joseph. Samantalang Mayo naman ang kay Maria, ang kanyang dalisay na kabiyak. Birhen ng mga Bulaklak ang ating Ina.
Hindi kailangang magarbo o magastos ang pagbibigay pitagan sa kanya. Ang simpleng paglalagay ng mga bulaklak sa tapat ng kanyang rebulto ay sapat na, laluna’t ang iyong altar ay binubuo ng banal na mag-anak (tulad ng altar ko), tatlo, di lang isa, ang iyong bibigyang-pugay. Maaari kang muling magkonsagra sa kanya, magdasal ng Misteryo ng Tuwa nang mas madalas, o dumalaw sa isang lokal na dambana niya bilang paggunita sa kanyang buwan sa isang espesyal na paraan. Ang mga Italyano sa Sicily ay may malugod na tradisyong kung tawagin ay “Altar ni San Jose.” Ilang siglo na ang nakaraan, sinalakay ng matinding tagtuyot ang Sicily, at nanalangin kay San Jose ang mga tagaroon. Sa pagkagulat ng lahat, umulan at muling tumubo ang mga pananim. Bilang paggunita sa pangyayari, taun-taon ay pinapalamutian nila ang altar na alay kay San Jose ng bulaklak, kandila, pagkain at tinapay, isang paraan ng pagbalik-tanaw at pasasalamat sa tulong ni San Jose. Madalas, ang mga pagkaing naiipon para sa altar ay ibinibigay sa mahihirap. Lumaganap ang tradisyong ito sa buong mundo at ipinagdiriwang tuwing Marso 19.
Isa pang aspeto ng debosyon kay San Jose na hindi alam ng karamihan ay ang kanyang pagiging Patron ng Malapit nang Mamatay; isa rin siyang malakas na tagapamagitan para sa mga yumao na o yaong nasa purgatoryo. Ang ganitong aspeto nang makapangyarihang pamamagitan ni San Jose ay hindi pa gaanong talos na debosyon ng Simbahan.
Isang napakabanal na babae ng 19 na siglo na nagngangalang Blessed Mary of Providence ang nagpatotoo kung paano namamagitan si San Jose sa mga kaluluwa sa purgatoryo. Binigyan si Sagrada Maria ng espesyal na karisma upang tulungan ang mga kaluluwa, at sinamahan ang kanyang sigasig ng debosyon kay San Jose. Bumuo siya ng isang komunidad pra sa ganitong layunin, ang “Mga Katuwang ng mga Kaluluwa sa Purgatoryo,” at inilagay ito sa pagtataguyod ni San Jose. (Mahalagang idagdag dito ang isang pag-aaral na natutuhan ko sa mga Misyonerong Montfortano. Nakatitiyak tayo na kung nasa purgatoryo man ang mga kaluluwang ating ipinanalangin, hindi sila magtatagal doon dahil sa pamamagitan din ni Inang Maria, ang noon pa’y katuwang na ni San Jose, bago pa man inilunsad ang teolohiya tungkol sa huli.) May kwento ang mga monghe sa Kumbento ni San Jose sa Pransiya kung paano tinulungan niya tinulungan si Sagrada Maria na buuin ang kanyang relihiyosong komunidad:
Noong Nobyembre 2, 1853, binuo ang isang plano upang itatag ang isang relihiyosong kongregasyon, na ang pangunahing layunin ay tulungan ang mga kawawang kaluluwang (nasa purgatoryo) sa pamamagitan ng paggawa, panalangin, at pagdurusa. Nagustuhan ni San Juan Vianney, Kura Paroko ng Ars, ang ideya at binigyan ito ng ganap na suporta, pati payo sa nagtatag nito na naging si Sagrada Maria ng Providence nga.
Isang pangako ang ibinigay kay San Jose na, kapag natapos ang proyekto, ang unang istatwang ilalagay sa unang gusali niyong mga mag-aalay ng kanilang sarili sa paglaya ng mga kaluluwa sa purgatoryo, ay sa kanya. Iningatan ni San Joseng huwag kalimutan ang pangakong ito. Nagkaroon ang Providence ng isang gusali sa Pransiya, at ginamit ng mga madre ang pangalang “Mga Katuwang ng mga Kaluluwa sa Purgatoryo.” Kinabukasan nang maaga, dumating ang kartero at idineliber ang istatwa ng isang santo, ipinadala ng isang taong walang alam sa banal na layunin o maging sa gusali. Nagalak kung gayon si San Jose sa pagdeklarang tagapagtanggol siya ng ganitong magiting na proyekto, at ipinagpatuloy ang lihim na ministeryo sa gitna ng dakilang lunsod ng Paris.
Gaya ni Sagrada Maria ng Providence, kailangan nating hingin ang banal na pamamagitan ni San Jose (at ni Maria) para sa mga kaluluwa sa purgatoryo. Isa siyang lubhang makapangyarihang tagapamagitan, na ang tulong ay kakailanganon natin kapag tayo’y pumanaw. Minsa’y kinausap ni San Jose si Servant of God Sr. Mary Chambon tungkol dito at ipinangako niya na lahat ng deboto niya noong nabubuhay ay patuloy na tatangaap.ng kanyang pamamagitan pagkamatay nila. Ito ang sinabi ni San Jose sa kanya:
Kung ang kaluluwang nanalangin sa akin ay may mga utang pa sa Kataas-taasang Hukom, hihingi ako ng grasya para sa kanya.
linggo ay pinag-uukulang ng tema sa Misa. Nakikinig ang Diyos sa mga pakiusap ni San Jose. Walang itinatanggi kay San Jose. Tandaang purihin at tawagin si San Jose tuwing Miyerkoles, sa buwan ng Marso, at kapag ipinapanalangin ninyo ang mga kaluluwa sa purgatoryo. Ani Santa Bernardina ng Sienna tungkol sa kanya:
Pinili siya ng Walang Hanggang Ama bilang katiwala, tagapangalaga at tagalagtanggol ng Kanyang pinakatampok na yaman, ang Kanyang Banal na Anak, at si Maria, kanyang kabiyak. Ano, kung gayon, ang posisyon ni Jose sa buong Simbahan ni Kristo? Hindi ba siya lalaking pinili at ibinukod? Sa pamamagitan niya at, oo, sa ilalim niya, si Kristo’y maayos at maringal na ipinakilal sa mundo. Ang Banal na Simbahan, sa kanyang kabuuuan, ay may utang kay Birheng Maria dahil sa pamamagitan niya, inihatol na karampatan ang pagtanggap kay Kristo. Ngunit kasunod niya hindi mapasusubaliang may utang din tayong pasasalamat at pitagan kay San Jose.
(Salin mula sa aklat na “Consecration to St. Joseph” ni Fr. Donald H. Calloway, MIC)