Ebanghelyo: Mateo 25:31-46
Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.
Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’
At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’
Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’
Kaya itatanong din nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’
At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Pagninilay
Sa huling paghuhukom walang sinuman na nakarinig nitong Ebanghelyo ang makapagsasabi na hindi niya ito alam. Ipinaaalam na sa iyo ng Diyos upang malaman mo ang bunga ng iyong mga desisyon at pagkilos. Nais natin na makarating sa kaluwalhatiang walang hanggan. Ang pagnanais na
walang pagkilos ay walang saysay.
Marami ang naghihikahos at nahihirapan. Marunong ang Diyos. Itinuro Niya doon sa mga may kaya, mga malulusog, mga makapangyarihan at mga masagana ang buhay na ang kanilang susi sa kalangitan ay ang pagkalinga sa mga kapuspalad. Hindi karapatan ng mga mayayaman at makapangyarihan ang kanilang magandang kinatatayuan. Hindi rin parusa sa mga kapus-palad ang kanilang kalagayan. Ginawa ng Diyos na hindi pareho upang ang mga mayroon ay magbahagi sa mga kinukulang at maging larawan ng Diyos sa pagkakaloob. Ang mga kinakapos ay may karapatan na umasa na tutulungan ng mga mayroon sapagkat ang pag-aari ng mayroon ay mula sa Diyos at hindi lamang sa pansariling kapakinabangan kundi upang ibahagi sa mga kinakapos. Mula sa Diyos, patungo kay Jesus na nasa mga kinakapos. Ito ang susi sa kalangitan, kasama ni Jesus dito sa lupa, kasama din sa buhay sa kabila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022