Ebanghelyo: Lucas 14:12-14
Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
Pagninilay
“Maging bukas-palad sa iba.” Ang pagiging bukas-palad ay isang uri ng pagbibigay na walang hinihintay na kapalit. May isang banal na pari na maayos na ipinaliwanag ito sa isang matandang babae. Isang araw, nais pasalamatan ng matanda ang pari dahil sa palaging pagdadala ng komunyon tuwing siya ay may sakit. Ngunit, sinabi ng pari, “Huwag na po kayong mag-abala sa pagbibigay ng regalo. Huwag po kayo! Hayaan niyo na lang pong si Jesus ang magbigay sa akin,” at may ngiti, idinagdag pa niya, “Umaapaw ang yaman ng Panginoong Jesus. Nagbibigay siya ng higit pa sa
ating kinakailangan!” Ang mga taong bukas-palad ay marunong magbigay ng pagmamahal, pang-unawa, pasasalamat, at tulong sa kapwa. Hindi iniisip ang sarili at laging handang magbigay. Hindi nila iniisip kung ano ang kapalit ng kanilang pagtulong, bagkus iniisip kung ano ang maibibigay nila sa iba. Sa kanilang tapat na pagbibigay, mas nagiging masaya sila at mas napapalapit sila sa Diyos. Tandaan natin, ang mga bukas-palad sa iba ay kayang maging bukas-palad din sa Diyos. Ang nag-uudyok sa kanila ay
ang pagmamahal, at ito rin ang kanilang natatanggap. Anumang mabuti ang ibinabahagi sa iba, tandaan natin, palaging pagmamahal
ang ibinabahagi natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





