Ebanghelyo: Lucas 16:1-8
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’
“At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’
“Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.”
“Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”
Pagninilay
Mautak talaga ang tiwaling katiwala. Ang mga kapwa tiwali ay bibilib sa kanya at malamang ay tutularan kung hindi man hihigitan pa ang kanyang diskarte. Marami ang ganyan lalo na kung ang nakasalalay ay ang trabaho at laki ng sweldo. Hindi ba ang tawag din diyan ay graft and corruption?
Dito sa mundo pautakan ang palakad. Nawiwili na gawin iyon hangga’t hindi nahuhuli. Ordinaryo na rin dahil nagiging kalakaran na. Hindi na rin natatakot dahil ang mga dapat magpatupad ng batas ay tumatangga na ng lagay. Sa madali’t sabi, pagalingan ng diskarte basta masaya at makakalusot. Hayahay ang buhay!
Pwede ‘yon kung walang Diyos na nakakakita at nakakaalam ng lahat. Pero may Diyos. Hindi mauutakan ang Diyos at hindi rin pwedeng magpalusot sa kanya. Pwedeng dayain ang kapwa pero hindi madadaya ang puso. Ang puso ay ginawa ng Diyos na maging maligaya sa mabuti, sa tama at matuwid. Wala tayong kontrol dito. Ang puso ay nagugulo at nalulungkot sa mga gawang masama, tiwali at hindi tama. Ang hamon: magpakatotoo bilang anak ng Diyos at magkakaroon ka ng kaligayahan na walang pag-aalala at malinis, dito sa lupa hanggang sa buhay sa kabila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022