Ebanghelyo: Lucas 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa
balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
Pagninilay
“Iligtas ang lahat.” Hinahanap natin ang isang bagay batay sa halaga nito. Kapag nawawala sa paningin ng isang musmos na bata ang kanyang magulang, agad niya itong hinahanap. Minsan ay umaatungal pa nga sa paghahanap. Kapag mayroong regalo na ibinigay ang ating matalik na kaibigan at ito ay nawawala, agad din natin itong hinahanap, alang-alang sa pagpapahalaga sa kanyang bigay. Seryoso tayo sa paghahanap, lalo na kung may halaga sa atin ang hinahanap. Sa Mabuting Balita, ipinakikita ni Jesus ang kanyang seryosong hangarin na iligtas ang lahat. Tulad ng isang tao na hinahanap ang isang napakahalagang kapwa sa kanyang buhay, ganito rin si Jesus sa atin. Hinahanap niya tayo dahil sa kanyang walang katapusang awa at Pag-ibig para sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkukulang, hindi tayo iniiwan ni Jesus. Ipinapaabot Niya ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng matiyagang paghahanap sa atin, sa kanyang palagiang paanyaya na lumapit tayo sa kanya. Ganyan kabuti ang Diyos, handang maglaan ng panahon bilang tanda ng kanyang pagmamahal para sa bawat isa sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





