Ebanghelyo: Lucas 16:1-8
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.” Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.
Pagninilay
“Tayo ay naglalakbay ng may pag-asa.” “Hindi pa huli ang lahat; may
magagawa pa tayo!” Marahil, ito ang mensahe ng Ebanghelyo sa araw na ito. Sa talinhaga ni Jesus, nahuli sa kanyang kabulastugan ang katiwala, ngunit sa kabila nito, hindi siya nawalan ng pagasa. Bagkus, agad siyang nagisip ng paraan upang mailigtas ang kanyang sarili sa kahihiyan.
Ito marahil ang ikinatuwa ng kanyang Panginoon! Sa mata ng Diyos, ang ating pagsusumikap na laging humanap ng paraan upang maligtas ay ikinagagalak Niya. Isang palagiang tukso ng demonyo ang paniwalain tayo na wala nang pag-asa. Wala nang pag-asa upang tayo ay mapatawad, magbalik-loob at maligtas. Wala nang pag-asa na tayo ay makaahon sa kasalukuyan nating kalalagayan. Ito ay isang malaking kasinungalingan.
Bilang mga Kristiyano, tayo ay mga taong puno ng pag-asa, pag-asa na nagmumula hindi sa sarili nating lakas o kakayanan kundi sa ating pagtitiwala sa makapangyarihang Diyos. Kaya nga, sa mundong ito, tayo ay naglalakbay nang may pag-asa; may magagawa pa tayo upang magkamit ng kaligtasan at Diyos na rin ang magbibigay nito.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





