Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya’.” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Pagninilay
Sa mundo natin ngayon, nakasanayan na natin ang mga bagay na mabilisan at nasasagot agad sa isang pindot lamang ng makabagong teknolohiya tulad ng iPhone, iPad, computer, atbp. Ito marahil ang dahilan kung bakit nawawalan tayo agad ng pag-asa kapag hindi nasasagot agad ng Panginoon ang ating mga panalangin. Ngunit sa ebanghelyo ngayon, tinatawagan tayo ni Jesús na maging matiisin, ‘manalangin sa tuwina at huwag mawalan ng pag-asa’. Nawa’y matuto tayong magtiwala sa Kanya at maging tapat sa ating buhay pananalangin. Hindi tayo kailanman pababayaan ng Panginoon lalo na sa mga mahihirap na pagsubok sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020