Ebanghelyo: Lucas 19:41-44
Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
Pagninilay
“Payapain ang ating kalooban.” “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makapagdudulot sa iyo ng kapayapaan!” Ito ang panaghoy ni Jesus sa ating Mabuting Balita subalit ito ay nananatili hanggang sa ating panahon. Tila hindi pa rin natin napagtatanto kung ano ang makapagdudulot sa atin ng kapayapaan. Marami tayong ipinatutupad na batas upang ito ay makamit ngunit nariyan pa rin ang karahasan. Kung tutuusin, hindi naman ito nakakapagtaka, dahil ang tunay na kapayapaan ay nagsisimula hindi sa mga panglabas na kautusan kundi sa ating kalooban. Lahat tayo ang hangad natin sa buhay ay ang makamtan ang
kapayapaan. Ginagawa natin ang lahat ng paraan upang ito ay mapanatili. Subalit, ang kapayapaan upang mas maging pangmatagalan ay dapat nagsisimula mula sa loob papalabas. Simulan nating payapain ang ating kalooban ng sa gayon ito ang maging pundasyon ng kapayapaan ng ating buhay at ng mundo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





