Ebanghelyo: Lucas 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
Pagninilay
Ano kaya ang damdamin ng bawat isa na nag-abuloy sa templo? Ang mga mayayaman kaya ay masaya? Parang hindi. Isa sa mga nakapagpapasaya sa atin ay kung nagbibigay tayo sa minamahal. Siyempre paglalim ng pagmamahal paglaki rin ng kaloob. Tingnan mo ang singsing na ibinibigay sa kasintahan, kung hindi kaya, talagang pinag-iipunan. At dahil alam ng pinagbigyan na napakahalaga ang singsing, ganun din ang pagmamahal na isinusukli.
Ang ibinigay ng mayayaman ay ang kanilang sobra. Sa madali’t sabi, sa mawala man yon sa kanila o hindi, okey lang, sobra kasi. Kaya lamang, ipinakikita rin kung gaano kasalat ang kanilang pagmamahal para sa Diyos. Kaya ang kanilang pagmamahal ay hindi feel.
Sa kabilang dako ang biyuda ay naghulog ng buo niyang kabuhayan. Bakit kaya? Sapagkat alam niya na iyon ay galing sa Diyos, kaya sa laki ng kanyang pagmamahal at pasasalamat ibinigay niya ang lahat dahil alam na muli siyang bibigyan ng Diyos. Naroon ang pagmamahal at kasiguruhan na hindi siya pababayaan ng Diyos. Talagang feel na feel. Sana ganun tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





