Ebanghelyo: Lucas 21:12-19
“Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.
“Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway.
“Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.”
Pagninilay
May mga suliranin na hindi talaga kayang bigyan ng solusyon gamit ang pansariling paraan at kakayahan. O kung ipagpipilitan ang sariling effort ay nakikita na nagsasayang lamang ng panahon at lakas. Hindi itinatanggi ni Jesus na pagdadaanan talaga ang mga pagsubok at pasakit. Pero ibinibigay din Niya ang katiyakan na hindi Siya magpapabaya. Hindi Niya tayo iiwan lalo na kung kinakailangan na ipagtanggol ang ating pananampalataya.
Talagang matindi ang ating pagdadaanan sapagkat pati ang ating mga mahal sa buhay ay magiging ating kaaway sa ating pagsisikap na manatiling tapat. Hindi ito biru-biro dahil kung meron tayong sinasandalan, ito’y walang iba kundi ang ating mga mahal sa buhay. Ganyan mangwasak ng relasyon ang demonyo. Tinatapat din tayo ni Jesus na may mamamatay talaga.
Para sa mga walang pananampalataya ang kamatayan ang katapusan ng lahat. Kaya talagang pinakaiiwas-iwasan ang kamatayan. Para sa kanila ang kamatayan ay ang pinakamatinding pagkabigo. Pero para sa mga sumasampalataya kay Jesus, ang kamatayan ay pintuan patungo sa kaharian ng langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





