Ebanghelyo: Lucas 21:29-33
At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.”
Pagninilay
Paghahari ng Diyos. Sabi sa Ebanghelyo, malapit na ang paghahari ng Diyos. Pero sa ibang bahagi naman ng Ebanghelyo, sinasabi na ang paghahari ng Diyos ay nasa atin nang gitna (Lucas 17:21). Totoo dahil ang Diyos naman ay kapiling natin ngayon at sa lahat ng panahon, dito at sa lahat ng lugar. Paano tayo mabubuhay kung hindi natin kasama ang Diyos? Paano natin magagawang magmahal kung wala Siya sa ating puso? Paano natin magagawang umasa sa mga bagay na hindi natin nakikita kung hindi tayo ginagabayan ng Espiritu Santo? Ang paghahari ng Diyos ay nasa atin na tulad ng ating nararanasan sa pagmamahal at pag-aalay ng sarili para sa kapwa. Pero nararamdaman din natin na may mga gawain na hindi pa natin nasisimulan o kung nasimulan na ay hindi pa natatapos. O mga gawain na kahit mabuti ay pwede pa nating mas pagbutihin pa. Sa madali’t sabi ang ating karanasan sa paghahari ng Diyos ay hindi pa lubusang ganap. Ipagdasal natin na sa tulong ng Espiritu Santo at sa pagsusumikap natin na lalo pang magpakabuti ang paghahari ng Diyos ay patuloy na lumago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022