Ebanghelyo: Lucas 21:5-11
May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng tag-gutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit.
Pagninilay
“Mag-ingat kayo at baka kayo madaya.” Pinupuri ng mga tao ang templo, ang maganda at kahanga-hangang hitsura nito subalit tila baga tinabunan ni Jesus ang masayang usapang ito sa pamamagitan ng malagim na propesiya ukol sa pagkasira ng templo. Bakit naman kaya ito ginawa ni Jesus? Ang templo ay pisikal at konkretong tanda ng presensya ng Diyos at ng pananampalataya sa kanya ng mga tao sapagkat ito ang sentro ng mga ritwal ng Judaismo. Ito ay mahalaga at dapat ingatan subalit nais ituon ni Jesus ang atensyon ng mga tao sa lalong mahalagang lugar ng presensya ng Diyos at ng pananampalataya sa kanya – walang iba kundi ang puso, ang kaluluwa ng tao. Pinapahayag ni Jesus na sa oras ng pag-uusig maaaring magiba at mawasak ang pisikal na templo subalit dapat manatiling matatag ang ating kaluluwa sa katapatan at pananalig sa Diyos. “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman!” Hilingin natin ang biyaya na maging matatag at matapang ang ating mga puso at kaluluwa sa pamamagitan ng matibay na pananampalataya sa Diyos nang magawa nating harapin ang mga hamon at pagsubok na dumadating sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





