Ebanghelyo: Mateo 24:37-44
Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa pagdating ng Anak ng Tao. Noong mga araw na iyon bago dumating ang Baha, kumakain at umiinom ang mga tao at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. Ngunit wala silang alam hanggang dumating ang baha at tinangay silang lahat. Ganoon din sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa dalawang lalaking nasa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang isa. Sa dalawang babaeng gumigiling ng trigo, kukunin ang isa at iiwan ang isa.
Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi ninyo inaasahan darating ang Anak ng Tao.
Pagninilay
Dalawa ang uri ng pagbabantay: may pananabik at ang isa ay may takot. Ang nagbabantay para sa pagdating ng minamahal ay naiinip pero mapayapa at may pananabik. Dama niya sa kanyang puso na ang kanilang pagtatagpo ay magbibigay sa kanilang dalawa ng kagalakan. Bakit? Sapagkat nais ng dalawang nagmamahalan ang magsama, magniig at maging malapit sa isa’t isa: nakikita, nahahawakan, nakakausap at naririnig. Alam nila kung ano ang nagdudulot ng kasiyahan sa isa’t isa kaya ito ay pinagsusumikapang gawin. Alam din nila kung ano ang nagdudulot ng kalungkutan at sama ng loob, kaya ito ay iniiwasan. Katulad ng pakikipag-ugnayan sa Diyos. Alam ng taong may pananampalataya ang mga utos ng Diyos, at alam din niya na kaya ito ay iniutos ay para na rin sa kanyang kagalingan. Kaya sinusunod niya ito nang may kagalakan at pasasalamat. Sa bawa’t sandali alam niya na kapiling niya lagi ang Diyos.
Sa kabilang dako ang isang taong gumawa ng masama ay siya mismo ang naglayo ng sarili sa Diyos sa pagsuway niya. Ipinagpipilitan niya ang sariling gusto. Sa malaot madali ay nararanasan niya ang pagkabigo, kalungkutan at takot. Hindi niya kontrol ang lahat ng bagay. May mga pagkakataon na sa kabila ng lahat ng pagsusumikap ay wala rin siyang magawa. Pero ayaw niyang isuko ang sarili sa Diyos. Nananatili ang kanyag pride. Ngayon pa man, masaklap na ang kanyang buhay. Ano pa kaya sa pagharap niya sa makapangyarihang Diyos na kanyang sinuway?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022