Ebanghelyo: Mateo 8:5-11
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”
Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”
Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel.
Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.
Pagninilay
“Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong.” Dalawang
mabubuting katangian ng kapitan ang ipinakikita rito. Una, mahal ng kapitan ang kanyang katulong. Pangalawa, nagtitiwala ang kapitan na nais ding pagalingin ni Jesus ang katulong at magagawa Niya ito kahit sa malayo. Ganyan kalalim ng pagtitiwala ng kapitan kay Jesus. Kaya gayon na rin naman ang paghanga ni Jesus sa kapitan.
Katulad ng naganap sa Ebanghelyo, gayon na lamang ang kagalakan ni Jesus kung ating tinatanggap ang kanyang pagmamahal sa atin na ipinakita sa pag-aalay ng Kanyang buhay para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Pero naging manhid na tayo. Lagi na rin nating nakikita Siya sa krusipiho na nakapako. Wala nang dating. Hindi na tayo nangingilabot sa Kanyang pinagdaanan. Kaya hindi na rin tayo nagsisisi sa kasalanan na siyang dahilan kung bakit Niya tinanggap ang madugong kamatayan.
Ipagdasal natin na mapahalagahang tunay ang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay tanda ng Kanyang pagmamahal sa atin. At sa pagtanggap natin ng komunyon sa misa dasalin natin nang taimtim: Panginoon hindi ako karapat-dapat na tumanggap sa iyo, ngunit sa isangg salita mo lamang ay gaaling na ako!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022